Kagabi bago ako matulog ay nagmuni muni lang ako sa pagbura ng mga mensahe sa inbox ng Smart Roaming cellphone ko. Nakakatuwang isipin at balikan ang mga mensahe natanggap ko kung kani-kanino mula sa Pinas.
Mayrong isang mensahe na nagsasabing nanalo daw ako ng malakeng halaga ng salapi at kelangan ko silang tawagan. Napag-usapan ang scam sa teks! Grabe talaga. Pano kaya nila nakukuha ang numero ng mga tao? Sana nga totoong nanalo na ako ng malakeng halaga para mabayaran ko mga pagkakautang ko at maipundar ko pa ang mga bagay na gusto kong makuha sa buhay ko. Sabi nga sa palabas na "IISA PA LAMANG" - "Kakaibang kapangyarihan ang naibibigay ng salapi." Totoo naman talaga..yun na!
Mayroon pang isang mensahe mula naman sa Smart na naniningil ng bill ko.
Karamihan naman sa mensahe na andun sa cellphone ko ay mula sa mga taong nakasalamuha ko sa Pilipinas sa nakaraang 9 na buwan. Lahat ng iyon ay mga masasabi kong kakilala, kasama at kalaro sa mga pagkakataong ako’y nag-iisa. Ang iba dun mga ka-date, mga kaulayaw na seryoso at hinde, mga ka-meet up na eventually naging friend friend na din. Naisip ko lang dahil sa layo kong ito, marahil nga ay nagmarka ako sa kanila at na-impress ko sila sa aking pagkatao para maalala pa din nila ako. Umalis kasi ako ng di naman ako nagpapaalam sa karamihan sa kanila. Hinde ko naramdaman ang pangangailangan na ipaalam ko sa kanila kung saan ako pupunta. Ngayon, di ko na sila sinasagot sa teks kasi mahal ang sumagot sa kanila. Yung iba sinasagot ko minsan, lalo yung matino. At ilan halos sa kanila talaga namang hinde ko masasabing naging ka-close ko. Lahat ng iyon ay bahagi ng buhay ko.
Sa dami ng naipong mensahe halos 1 oras din ako nagbubura. Kung sa kabilang banda ay maraming mensahe na tila walang kabuluhan, mayroon din naman mga mensahe doon na aking natanggap. Ang ilan ay totoong bumabati sa aking nakaraang kaarawan nung Hunyo. Ang ilan ay simpleng pangungumusta at pag aalala sa akin. Ang iba naman ay mga nakakatawang teks dyok! Ang ilan pa dun sa mensahe ay may edad nang higit sa 2 taong naka-imbak sa inbox ko. Kaya naka-imbak ng matagal sa phone ko ay may kabuluhan kasi para sa akin ang mga tinuran kong mensahe. Sa madaling salita ay may “sentimental value” ang taong nagsend sa akin ng mensahe na yon.
Habang nakahiga ako ay naisip ko kung gaano naging iba-iba ang mga grupo ng kakilala ko mula sa mga seryoso, maaasahang kaibigan, mahal sa buhay hanggang sa pinakawalang kwentang kontak. Isa lang ang pinatunayan sa akin ng mga mensaheng iyon, kahit walang kwenta at sobrang simple lang ng mensahe ugali ko talagang itago muna ang isang bagay, maging mensahe, bagay, or kahit anong nakakapagpaalala sa akin ng isang sitwasyon. Minsan nakakatuwang balikan, minsan may kurot sa damdamin, may halong lungkot at kasiyahan.
Isa sa pinakahuling teks na nakuha ko ay mula sa isang mahal na kaibigan na nagbigay buhay sa isang sanggol kamakailan. Isang magandang balita para sa akin. Sa wakas, isa sa mga kaibigan ko ay isang ganap ng ina. Nakikisaya ako sa kanya.
Ikaw? Anong balita sa iyo teksmeyt!?