IDEYA NG PAGMAMAHAL
Hindi ko kailanman naisip na magagawa ko ang mga bagay na hindi ko madalas gawin sa buhay ko para sa ibang tao. Ngunit ng muling umawit ang aking damdaming yukod sa mainit na kaisipan ng salitang “PAGMAMAHAL” ay muli akong nahulog sa mundo ng walang katapusang saya, sakripisyo, pagbibigay at pagtitiis.
Magpahanggang ngayon hinde ko alam bakit ganito ang pakiramdam ko sa isang tao na masasabi kong naging malaking bahagi na ng aking katauhan. Sana nga lamang ay nababasa niya ito ngayon, sadyang alay para sa kanya at labis kong ikasisiya na malaman niya ang aking naiisip ukol sa aming dalawa.
Mahirap magbakasali sa isang relasyon lalo pa kung sa unang bahagi ng aspetong ito ay masasabi ayos naman ang lahat at walang pressure sa parehong panig. Ngunit kung minsan ang kaduwagan sa hinde pagharap sa tunay mong nararamdaman para sa iyong mahal ay higit na nakakalason sa sarili, sa pakiramdam, sa isipan. Minsan parang mas mainam pang malaman mo agad kung hanggang saan lamang kayo maaaring maging kayo, hinde ba?
Ang ideya ng pagmamahal ay isang malawak na paksa na matagal at paulit ulit ng tinatalakay ng sangkatauhan. Sari-saring kaisipan, kalagayan at katangian ng pagmamahal na ang ating narinig mula ng tayo ay mabuhay. Ang ideya ng pag-ibig ay hinde madaling maunawaan. Kung minsan iyon na pala ang pagmamahal pero hinde pa din natin nakikita or nadadama ito.
Sa buhay ko ngayon isa lang ang tiyak ko. Masarap at masakit ang magmahal. Masarap kasi gusto mo ang mga bagay na ginagawa mo para sa iyong mahal kahit ito pa ay hinde ayon sa pamayanan. Masarap dahil naroroon ang tinatawag na “sacrifice in the name of love”. Sa isang marahas na kataga ito ay matatawag din na kabaliwan sa pag-ibig! Ang magmahal ay masakit din lalo pa kung ang inuukol mong pagtangi ay hinde binigyan ng sapat na atensyon ng iyong inaasam na kabiyak. Masakit dahil hinde ka niya man lamang nabigyan ng puwang. Kung mayroon man, ito ay hinde para maging pagmamahal na higit pa sa pagkakaibigan. Ang sakit hinde ba?
Sa buhay ko ngayon may natatangi sa puso ko. Subalit ayokong isipin kung anuman ang naghihintay. Minsan nababaliw ako sa pag-iisip na baka hinde naman niya nararamdaman ang gaya ng aking pakiramdam ngayon sa kanya. Minsan din, nais ko na siyang tanungin pero wala akong lakas. Ang aking relasyon sa kanya ay hinde tiyak. Ito ay dahil na rin siguro sa walang effort na nanggagaling sa isa’t –isa para kahit paano maging bukas kami sa mas malalim na posibilidad ng isang relasyong higit pa sa pisikal, emosyonal, mental at spiritwal na katotohanan.
Ang ideya na baka “in-love” ako sa posibilidad na maging kami ay hinde ko isinasantabi. Minsan nagkakaroon ng malaking diperensya ang ideya ng pagiging “in-love” at ang ideya ng tunay na pagbibigay ng pagmamahal.
Tinatanong ko ang aking sarili. Ako ba ay saan ngayon nakatayo sa dalawang sanga na ito ng buhay ko? Handa ba ako talaga na sumubok sa aming relasyon? Handa ba akong tanggapin ang lahat-lahat? Hanggang kalian kaya ako magiging matiyaga para sa kanya? Naiinip ka na ba? May pagtangi kaya siya sa akin kahit kaunti o wala naman pala talaga kahit katiting? Ang dami kong tanong, sana masagot kong lahat ito ng tama? Matutulungan kaya niya akong sagutin ito para sa aming dalawa…ideya ng aming pagmamahalan, ano kaya talaga?
No comments:
Post a Comment