Saturday, May 07, 2005

SERYENG TAGALOG (Tuloy-tuloy lang) : Sa isang sulok ng asul na hinaing

Nais kong mabuhay kasama kayong lahat sa isang kahariang walang sakit at lumbay. Nitong mga huling araw ako ay dumadaan sa isang kritikal na pagkakataon. Muli ako ay sinusumpong ng takot, ng pangamba at pangungulila.

Ako'y waring isang nawawalang kuting na natatakot sa kung anong kahihinatnan ng lahat ng mga nangyayari sa akin nitong mga huling araw. Sa katunayan nga lang, hinde naman ako nababahala ng lubos na ako'y mawawalan ng trabaho sa susunod na mga araw ngunit ako ay nag-iisip kung anong maganda kong gawin upang ibsan ang napipintong tagtuyot sa aking buhay karera.

Ako'y tila isang inakay na nangangambang di na ako datnan ng aking ina sa aking pugad dahil baka ako'y kainin na ng kalaban. Sa katunayan ang aking pangamba kahit paano ay nagpipilit humulagpos sa aking katauhan. Sari-saring paraan ng pagsasaya ang aking ginagawa para lamang kahit paano ay maging maayos ang pagtingin ko sa lahat ng ito. Hindi ko naman ito tinatakasan pero nais kong maging balanse at normal lang itong aking buhay sa kabila ng lahat.

Ako'y tila isang babae na naghihintay sa pagbabalik o pagdating ng aking minamahal. Ilang buwan na ng lumisan sa aking piling ang isang mahalagang tao sa aking buhay pag-ibig. Mula noon di na ako naging normal. Hinahanap ko ata ang katangian niya sa ibang mga nakikilala ko sa aking paglabas at pagbisita sa internet. Ewan ko ba, sadyang alam ko ngayon na ako'y nabulid sa kanya at kung kaya sa pagkakataong ito hinde ko na din nakikitang masaya ako sa pagpunta punta ko sa mga bahay aliwan o sayawan kung saan ko maaaring makilala si ginoo ng aking buhay.

Ang internet sa ngayon ang siyang nagbibigay daan upang makausap ko ang aking Marso at siya'y makapiling subalit hinde ito kasiguruhan para sa amin. Kaalinsabay nito ang pagdating ng mga ibang buwan ng kakisigan na aking nakakausap at nakakakilala ng personal. Kung minsan naisip ko ayos lang makipag-usap at makipagkilala sa ganitong paraan pero hinde din pala lalo na't nagkita na kayo at lahat ng hinahanap mo o hinahanap niya ay di nagtugma sa gusto niyo. Ito'y nagiging isang kabaliwan at kabalintunaan na lamang. Masakit din minsan kasi nararamdaman mong ito na sana pero hinde pa pala. Siya na sana pero hinde naman nagtatagal at nawawala din.
Pangungulila at paghahanap ng sandigan at kakapitan ang aking nais na maayos sa susunod na araw. Pagod na ako, masasabi kong ako'y sobrang pagod. Nais kong lumigaya ngunit di sa paraang sandali lamang ang dulot o hatid na pakiramdam.

Sana sa isang sulok na asul, masabi ko din na di lang hinaing ito kundi kasiyahang kwento din minsan pa ang aking maibahagi sa inyong lahat...

JT

No comments: