Umaga pa lang ng Huwebes ay tumulak na kami ni tatay patungong Laguna kung saan kami magmumula patungong Quezon. Ang aming ruta patungong Laguna ay sadyang mabilisan, wala pa akong tulog galing sa trabaho ko. Pagdating namin sa bahay ng aking Auntie sa Laguna ay nag-almusal lang kami pagkatapos ay naghanda na ang buong pamilya namin para sa paglalakbay patungong Lucban, Quezon.
Pinuntahan namin sa Lucban ang grotto ng "Kamay ni Hesus Healing Grotto" kung saan sikat ang mahigit 300 hakbang paakyat ng bundok. Sa itaas ng bundok ay ang istatwa ni Hesus na dinadayo ng mga tao lalo 'pag panahon ng Kuwaresma.
Mahaba, matagal at nakakapagod ang byahe patungong Lucban. Medyo kasagsagan ng mga nagsisiuwian dahil sa mahabang bakasyon. Kaya sinuong namin ang mahabang trapiko sa SLEX at sa Maharlika Highway. Dinaanan namin ang lalawigan ng Batangas at ang mga bayan nito bago namin narating ang teritoryo ng Quezon.
Si tatay ay tubong Quezon. Siya ay ipinanganak sa Atimonan, Quezon. Mahalaga kahit paano sa kanya ang biyaheng ito. Matagal na siyang di nakakarating ng Quezon. Ang huling pagdalaw namin sa Quezon ay nung 9 taong gulang pa lang yata ako. Simula noon ay hinde na kami nakabalik lalo pa't nagkasakit na si nanay nung 10 taon ako.
Kitang-kita ko sa tatay ko ang kasabikan na makita ang Quezon. Kahit pa sabihin na sa Lucban lang kami pupunta ay nararamdaman ko na masaya siyang makita ang kanyang lalawigan. Sabik siya na makita ang mga naging pagbabago sa kanyang lalawigan.
Ako man ay nasabik din. Habang nasa biyahe kami hinde ko maiwasan alalahanin ang aking maikling at malabong memorya tungkol sa una kong pagpunta sa Quezon noong araw. Nakita ko ngayon na maganda ang Quezon. Malawak din ito at sadyang progresibo din ang mga bayan. Naisip ko, ano na nga din kaya ang hitsura ng Atimonan kung ang mga kalapit bayan nito ay nagbago din naman. Sana sa susunod ay makauwi kami ng Atimonan.
Naratinmg namin ang Lucban, mga pasado ala-una ng hapon. Maraming deboto ang nasa grotto. May mga seryosong deboto, ang iba ay usyosero lamang, maging ang iba ay turista lamang.
Sa paglalakbay naming ito, kahit pagod ako at walang tulog ay di ko naramdaman na pagod ako. Siguro dahil sa kasabikan kong mag out of town ay malakas ang adrenaline ko. Bukod pa doon, naisip kong binasbasan ako ng Diyos ng sobra sobrang lakas noong Huwebes para kayanin ko ang biyahe namin.
Pagkatapos naming magdasal sa grotto ay ang inaabangang kainan sa palaisdaan. Ang palaisdaan ang isa sa mga restoran na sikat sa Lucban. Natagalan kami sa pagkain sa bagal ng serbisyo at sa dami na din ng taong kumakain ay kulang ang tauhan nila para mapagsilbihan ang lahat. Sa bandang huli ay nagpapasalamat kami sa Diyos sa biyayang inihain niya sa amin.
Ginabi na kami ng makabalik sa Laguna. Doon na kami nagpalipas ng gabi bago kami bumalik ng Bulacan. Salamat sa pagkakataong nadalaw namin ang isang kakaibang grotto sa Katimugang Tagalog. May grotto din sa Bulacan ang sikat na Lourdes Grotto at Divine Mercy grotto. Dinarayo din ito ng maraming tao hinde lang sa Mahal na Araw kundi sa bawat Linggo at araw ng buhay.
Tunay ngang kasiya-siya at mabunga ang araw ng Huwebes santo ko kasama ng pamilya ko. Bukod sa pamilya ay ang pagkakataong nakapag-isip din ako para sa sarili ko. Salamat sa Diyos!