Wednesday, April 09, 2008
SERYENG TAGALOG: Sa haba ng paglalakbay
(Sanaysay na hatid ukol sa aking pamamasyal sa Hilagang Luzon bayan ng Pilipinas) Natapos ko na ang isang paglalakbay na matagal ko ng inaasam na mangyari. Naging maluwat, masaya at talagang kaaya-aya ang naging pasyal ko sa hilagang lalawigan ng Ilocos sa bayan ng matanawing Pilipinas. Sa haba ng paglalakbay namin patungo sa aming destinasyon, nadaanan naming ang marami pang bayan sa Gitnang Luzon. Sa kagaya kong halos lumaki sa siyudad, ang makakita ng matanawing lalawigan sa kabilang banda ay isang napakalaking pagkakataon para maisip ko kung gaano kaganda itong Pilipinas. Sa haba ng paglalakbay nagkaroon ako ng pagkakataon na magpahinga muli at kalimutan ang mga iba ko pang iniisip. Binigyan din ako ng tamang panahon para muli maging tunay ang aking mga ngiti at halakhak sa piling ng mga bagong kakilala at kaibigan. Sa haba ng paglalakbay ko, naalala ko ang mga taong iniwan ko at sana ay kapiling ko na tumatawa, nagbubulungan, nagtsitsismisan habang nasa bus, naglalakad sa kalye ng Crisologo sa Vigan, tumatakbo sa dalampasigan ng Pagudpud at sumisigaw sa bangka dahil sa labis bilis ng takbo nito habang kami ay papalapit sa tinatawag na “Blue Lagoon”. Naalala ko silang lahat dahil sa mga naging paglalakbay ko, wala pa ata akong mahal sa buhay ko na nakasama ko, palagi na lang kung sa madalas ay mag-isa akong humaharap sa bagong mundo at kadalasan ay mga bagong kakilala ang nakakasama ko. Naisip ko sana sa susunod ay may pagkakataong silang mga matagal ko ng kasama, kapamilya at kaibigan ang makasama ko sa aking paglalakbay. Sa haba ng paglalakbay ko, ang bawat tore ng kampanaryo sa Vigan, Laoag, Paoay, Sarrat ay nagpaalala sa akin kung gaano kataas ang aking pangarap. At gaya ng mga nagtataasang tore, sa hinaba-haba ng panahon ang mga pangarap ko ay mananatiling matibay at patuloy kong susungkitin hanggang matamo ko ang kaligayahang hatid ng mga wagas na pangarap na ito. Sa haba ng paglalakbay ko ang bawat taong nakilala ko ay nagpaalala sa akin kung gaano kahalaga ang buhay sa ating lahat. At ang bawat buhay na iyong mamahalin, bibigyang halaga ay sadyang kasama sa iyong kabuuan. Sa paglalakbay kong ito, kung may mga buhay akong pinahahalagahan at inaalala iyon ay ang mga tao gaya ng aking ama, at ang iba pang malapit ngayon sa aking puso. Sa haba ng paglalakbay na ito, nagbigay ito ng hindi mapapantayang aktwalisasyon sa aking sarili kung ano ang gusto kong mangyari sa mga susunod ko pang hakbangin sa buhay. Gusto ko ng buhay na simple pero sapat ang katuwaan, katiwasayan at umaapaw sa masaganang pagpapala mula sa Kanya. Salamat sa Kanya, sa paglalakbay kong ito na Kanyang pinahintulutan na mangyari sa akin. Sa dulo ng paglalakbay na ito, nagkaroon ako kahit paano ng bagong pokus sa mga tatahakin ko pang gawain. Ang mga larawang kuha sa paglalakbay na ito ang magsisilbing matibay kong alaala upang bigyan ako ng kakaibang inspirasyon at sigla sa haba ng paglalakbay. Sa bawat pagkakataong ako ay malulumbay maiisip ko ang paglalakbay na ito kung saan maraming bunga ng alaala ang magbibigay sa akin ng buhay na kulay at lakas ng kasiyahan na hatid ng pasikot-sikot pero pawing magagandang pagliko na aking nasumpungan sa haba ng paglalakbay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment