Wednesday, July 30, 2008

Baltik

Sa lahat ng pagkakataon ko sa buhay hinde ko na maisip kung paano ko lahat hinarap iyon. Sa kabila ng mga pangamba, ng pag aalinlangan ay nagpatuloy ako sa pakikibaka ko.

Hinde ko na alam kung paano ko hinarap ang bawat isang pagsubok. Pero sa pagkakataong ito na aking hinaharap ngayon ay muli kong susubukan na harapin ang hamon ng tadhana.

May ilang buwan na din ng magising na lang ako bigla at natanggap ko ang isang sorpresa. Isang sorpresa para sa nalalapit kong kaarawan. Sa aking paningin ay higit pa sa kahit anong hamon ng buhay ang natanggap kong ito.

Ngayon, sa bawat araw na dumadaan, lagi ko ng iniisip ang lahat ng mga pagkakataon kung kelan ako naging masaya, pinagpala, at maswerte. Sabi nga nila bilangan daw ang biyaya. Ngayon iniisip ko kung sapat ang dami ng kasiyahan ko para bilangin. Sa aking pagbabalik tanaw sa mga pagkakataon na yon ay nakakaramdam ako ng konting kurot sa damdamin sapagkat naiisip ko kung anong mga bagay ang nasayang at kung anong mga bagay pa ang maari kong talikuran sa hinaharap dahil na din sa mga pagsubok na susuungin ko pa sa mga susunod na araw.

Sa bawat patak ng oras, mas naiisip ko ngayon kung sino pa kaya ang magiging kasama ko habang tumatagal? Sino pa kaya ang mananatiling tapat sa akin sa pagtagal ng panahon? Gaano katagal pa kaya ako maghihintay para sa huling sandali ? Ano pa kayang mga magagandang bagay at pagpapala ang tatanggapin ko ? Paano pa kaya ang mga susunod kong plano ? Mahahanap ko ba ang sagot sa isang malaking tanong ngayon sa sarili ko ? Ang dami kong tinatanong sa sarili ko nitong mga huling araw. Hinde na kasi biro ang mga kakaharapin ko pero sa kabilang banda ganon naman ata ang buhay, kaya tuloy tuloy lang.

Ngayon ang tanging ginagawa ko lang ay patagalin ang pagharap sa isang bagay na alam kong di ko naman kayang iwasan. Subalit sa pag iwas kong ito din ay nagkakaroon ako ng sapat na lakas para sa mga susunod na araw ay makaya kong humarap sa sarili ko, sa mga tao, sa buhay.

Noong isang araw ay nagmamaneho ako at parang isang malaking balik tanaw ang naisip ko. Nakita ko ang sarili ko dati at ang sarili ko ngayon. Malaking pagbabago ang nag-aabang. Ayoko matakot muna sa mga mangyayari, pero tingin ko dapat akong maging handa. Maraming mga alalahanin ang pumapasok sa kaisipan ko nitong mga huling araw, sa kabila ng mga paglilibang at pagsasaya ay di ko pa din maiwasan na mag-isip.

Nakaharap ako sa salamin, tila sinusuri ko ang aking sarili. Iniisip kong sa haba ng buhay ko, tatagal ba ako sa pagsubok. Sinasabi ko sa sarili ko tatagal ka ba, kelangan mo ng magplano at maglaan ng panahon. Yun lang ang nasabi ko sa sarili ko habang nasa harap ng salamin.

Tumingala ako sa langit, habang sumisigaw ang aking damdamin na animo’y isang tahimik na sigaw ng nagaalimpuyong pangamba, takot at kaba. Sa pagtingala ko ay abot kamay at pilit akong tumatayo para lamang magpatuloy. Sa kabilang banda, sabi nga ng karamihan. sa huli ay iisang bangka pa din ang sasakyan natin tungo sa liwanag. Kaya ako masayang ang oras kakaisip. Sa pagkakataong ito tinatapos ko itong pagtatala na ito.

No comments: