Nitong mga huling araw ay talagang dama ko ang lupet ng buhay! Sa madaling salita, parang wala atang magandang nangyayari sa akin sa lahat ng aspeto. Parang nawala sa lugar ang hilera ng bituin at planeta sa kalawakan. Nawalan din ako ng gana at parang hinihila ko ang sarili ko.
Subalit wala naman akong papatunguhan kong pipilitin kong isubsob ang sarili ko sa kalungkutan, kawalan ng pag-asa at patuloy na pag-iisip ng pangamba sa kinabukasan. Parang isang saglit nakalimutan ko kung paano mabuhay sa ngayon at magbilang at isiping maganda ang buhay sa kabila ng lahat.
Sa puntong ito, nagtatapos na naman ang isang linggo nais kong ibahin hanggang sa abot ng aking kapangyarihan ang takbo ng mga susunod pang mga araw. Bilang pasimula ay bibilangin ko ang ilang magandang bagay sa akin nitong huling mga araw:
- unti-unting natatapos ang naging problema namin sa project ko, nakakapagod pero marami pa ding natapos. Sabi nga eh, ang mahalaga umaksyon kami kaagad sa problema.
- sa kabila ng "pressure" na hatid ng mga isyu sa opisina ay marami pa din akong nagawa, at nagagawa kong isalin ang "pressure" para mas maging matalas sa pakikipag-usap sa mga katrabaho kong pasaway. Sa madaling salita, medyo nadagdagan ang pagka-prangka ko sa kung anong gusto kong gawin ng mga tao ko para matapos ang dapat gawin. Nais kong isipin, parang sa isang nasugatan medyo tumatapang ako dahil sa sakit.
- ang pagkakaibigan hatid ng isa sa FAB 4. Pinadalhan nya ako ng mga lumang larawan ng aming barkada. Sapat na para maisip ko kung gaano na kami hinulma ng pagkakataon at magpahanggang ngayon kahit malayo kami sa isa't-isa ay patuloy pa din ang pagkakaibigan.
- ang nakakatuwang istorya ng pelikulang "He's just not that into you" ay sapat na para makalimutan ko kahit sandali ang aking alalahanin.
- ang closing out sale ng Circuit City. OO ang isa sa pinakamalakeng tindahan ng mga appliances, computer atbp ay magsasara na dahil sa krisis sa ekonomiya. Subalit dahil nag-uubos sila ng mga paninda ay mga nabili akong ilang kagamitan sa murang halaga.
- ang relaxing na paligid ng Barnes and Nobles Bookseller. Kung saan ay tumambay ako kamakailan para magbasa ng mga aklat at magasin. Nakakatanggal din ng pagod kung minsan kapag ang binabasa mo ay hinde konektado sa trabaho, or problema na hinaharap mo. Ika nga ay maiba naman.
- ang aking Valentine playlist na hinango ko pa sa internet isa-isa. Ang bawat titulo ng kanta ay rekomendado sa isang magasin na aking nabasa kamakailan lamang. Kakaibang valentine playlist for me kasi bihira naman ako makinig ng ganong klaseng tema or genre. Kakaiba nga, may sariwang dulot sa aking diwa.
- ang pagsapit ng Biyernes, hudyat na tapos na ang isang linggo sa trabaho at kahit paano ang darating na Sabado at Linggo ay araw ng pagtitimawa sa bahay, paglilibot sa Miami at ilang kalapit lugar dito sa Timog Florida.
- ang dalawang araw na magkasunod na pagkain ko sa Olive Gardens, sa On the Border at ang pagkain namin ng murang hotdog, pizza at churro sa COSCO. Kapag malungkot ka, kumain ka lang at kahit paano sasaya naman ang buhay, busog ka pa! Saan ka pa di ba?!
Ayan...kung iisipin hinde na masama dahil may mga kaaya-aya pa ding aspeto ang mga bagay na nangyari at nagawa ko. Sa bandang huli, ang mahalaga ay hinarap ko isa-isa ang mga bagay na 'to at nagdulot sa akin ng kahit saglit na tuwa. Naghatid ng panandaliang pagkalimot sa ilang mga concerns ko.
Epektibo nga talaga na minsan ay magbilang tayo ng mga magagandang bagay na nangyari sa atin para makita mo na makulay pa din ang buhay sa kabila ng mga di kaaya-ayang bagay sa iyo at sa paligid.
Ang punto ko, kung kaya natin lagi sana ay makitaan natin ng liwanag ang bawat hibla ng buhay natin. Magbilang tayo ng biyaya maging sa pinakapangit na pagkakataon!
No comments:
Post a Comment