Kung minsan nakakahanap tayo ng sagot sa mga estrangherong nakikilala natin sa ating buhay. Mahiwaga ang buhay kung ating iisipin. Sa isang saglit nakakakuha tayo ng kaalaman mula sa ibang tao na wala naman direktang kinalaman sa atin.
Mula ng matutunan kong mag-tsat sa internet ay marami na akong naging kakilala mula sa mundo ng "Cyber". May mga gago, may mga matitino, may mga loko-loko, may mga nanatiling tapat at totoo. Iba-iba ang karakter ng mga bida sa mundo ng tsat. Kung iisipin nga, nagkakaroon tayo ng koneksyon sa kanila sa mga di inaasahang pagkakataon gaya ng personal na problema, mga paksang may kinalaman sa pag-ibig, sa buhay, sa trabaho, at sa kung anu-ano pang mga paksa ng buhay.
Mapalad ako at naging bahagi ako ng modernong teknolohiya ng internet, Malas din ako dahil sa teknolohiyang ito marahil ay nakuha ko ang ilang masasamang bagay na maari kong mahita sa aking buhay. Siguro ang nais kong sabihin, sa mundo ng "online" ang daming mabubuti pero may masasama ding dulot.
Sa puntong ito ng aking panulat, ang nais kong pagtuunan ng pansin ay ang pagkakaroon ko ng mga kaibigan dahil sa tsat, ang pagkakaroon ko ng kaalaman dahil sa mga impormasyong hatid ng mga pantas na walang humpay magbahagi ng kanilang nalalaman para makatulong sa kapwa. Maganda ding isipin na sa punto ng iyong buhay kung minsan kung saan ay sadlak ka na sa ibaba at subsob sa lupa ay makakakilala ka ng isang tao na magdudulot sa iyo ng suporta at di ka pagdadamutan ng kanyang munting kaalaman. Siguro dahil pareho ng nararamdaman at higit ka nyang mauunawaan. Salamat sa "internet" dahil nakilala ko ang isang taong maaring sagot sa kung anuman tanong at pangamba meron ako ngayon.
"Strangers online comes in suprising circumstances and packages."
Ang punto ko - mahiwaga nga ang buhay at misteryosong gumagalaw tayo sa ibabaw ng mundong ito nakakasalamuha ang mga tao na di man nating lubusang kakilala ay maaaring magbigay sa iyo ng kanyang nalalaman at natututunan sa buhay.
No comments:
Post a Comment