Kung minsan, sa kabila ng aking nakasanayang pag-iisa ay di ko pa din maiwasan na isipin kung kailan nga ba darating ang isang tao na magiging kasama ko? Isang mahalagang tao na magiging katuwang, kaibigan at kakampi sa lahat ng mga pagsubok ng buhay.
Maaaring malakas ako ngayon at nagagawang humarap sa anumang ipataw ng kapalaran. Pero nakakapagod din isipin na sa aspeto ng pagkakaroon ng tunay at wagas na mahal ay wala pa din akong kaukulang tagumpay.
Sabi ng ilang kaibigan ko, bilib sila sa akin dahil kaya kong mag-isa at aliwin ang aking sarili. Sa katunayan, ang pag-iisa ko ay naghatid nga sa akin ng di mapapantayang kalayaan at tuwa ngunit gaya ng buhay ay hinde ito isang perpektong aspeto. Totoo nga naman na sanay akong mag-isa at kahit kailan ay di ko inisip na kawalan sa aking sarili ang 'di pagkakaroon ng isang kasama o minamahal dahil napuno ito ng mga kaibigan at kapamilya. Ngunit ang lahat ay umaasa na magkaroon pa din ako ng kasama. Sa puntong ito, iniisip ko nga kung kailan ka nga kaya darating at may pag-asa pa ba?
Natakot na nga ba akong magtiwala, magmahal at magbigay ng pagkakataon sa iba? At sa puntong ito ng buhay ko na humaharap na naman ako sa isang pagsubok, mas lalo ko nga bang isinara ang pintuan ng aking puso sa pangambang sa bandang huli ay maiiwan pa din ako? Marami akong tanong ngunit ang pinakamahalaga sa lahat ay ang tanong kung kailan ka darating?
Sa pag-awit ng mga katagang, "Marahil ay nariyan ka lang sa aking tabi ngunit di ko alam, Sana ay malapit ka pagka't ako ngayo'y nag-iisa.", ang tanging naaalala ko sa aking isipan ay ang iyong larawan o imahe. Kasabay nito ay ang maaaring maging katuparan ng pagdating mo sa aking buhay. Ang katuparang ito na ang magiging hatid ay kasiyahan at kagalingan lang sa aking pusong matagal ng tumitibok dahil kailangan ngunit walang dahilan.
Sa kabila ng pangamba ay ang pangarap kong makasama ka balang araw. Kung kailan, kung paano, at kung saan, ang tanging dasal ko ay maging katuparan ito sa hiling ng isang puso at kaisipan na malakas pa din ang paniniwalang kaya niyang magmahal at mahalin ng iba hinde dahil sa kung anong meron siya ngayon bagkus ay sa kung anong meron sa kanyang buong pagkatao higit pa sa anumang materyal na bagay sa mundo.
No comments:
Post a Comment